Proyekto ni: Hannah Vanessa Cayaban
Nirebisa ni: 0atmeal
Nirebisa ni: 0atmeal
Epekto ng Liquid Crystal Display Projector (LCD Projector)
sa mga Mag-aaral
I.Panimula:
Ang edukasyon ay napakahalaga sa isang tao. Ito ang susi sa kanyang kaunlaran. Ang mga pagbabago sa edukasyon ay nagbibigay ng malaking epekto sa pagkakahubog ng isang tao. Kung paghahambingin ang mga mag-aaral noon at ngayon ay masasabing napakalaki ng pagkakaiba, isa na rito ang paraan ng pagsasaliksik at pangunguha ng impormasyon. Noon, ang mga mag-aaral ay nagsusunog ng kilay sa pagbabasa ng mga libro upang makahanap ng kanilang kinakailangang impormasyon. Tanging mga aklat lamang ang kanilang batayan sa pagsasaliksik ngunit ngayon ay may mga nalikha ng makabagong kagamitan na nagpapabilis at nagpapagaan sa pag-aaral tulad ng kompyuter. Sa paglipas ng mga taon, nakalikha ng iba’t ibang mga kagamitang sadyang nakatutulong sa pangangailan ng mga mag-aaral bukod pa sa mga aklat na tradisyonal ng ginagamit. Naging kapansin-pansin ang pagbilis at paggaan ng pag-aaral sa kasalukuyan. Sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya, nagkaroon ng mga kompyuter, laptop, flashdrives, compact disk, at pati na rin LCD projectors na nakapagbibigay ng malaking tulong sa mga mag-aaral upang lubos na maunawaan ang mga aralin.
Isa sa mga produkto ng makabagong teknolohiya ang LCD projector. Ang LCD projector (Liquid Crystals Display projector) ay isang elektronikong kagamitan na nagpapakita ng mga larawan, palabas, at / o mga teksto. Ito ay ang modernong analogo ng slide projector o overhead projector. Upang makapagpakita ng larawan, ang LCD projector ay nagbibigay ng ilaw na nagmumula sa metal halide lamp sa pamamagitan ng prism na naghihiwalay sa ilaw sa tatlong poly silicone panels. Ang isa ay para sa kulay pula, ang ikalawa naman ay sa kulay berde at ang ikatlo ay para sa asul. Ito ay inimbento ni Gene Dolgoff noong 1984. Sinimulan niya itong gawin habang siya ay nasa kolehiyo noong 1986 sa layuning makalikha ng video projector na mas malinaw kaysa sa 3-CRT projector na ginagamit noon. Ang ideyang ito ay ginagamit sa elementong tinatawag na light valve, na nagpapababa sa bilang ng liwanag na lumalabas dito. Pinahihintulutan nito ang paggamit ng napakalakas na pinagkukunan ng ilaw. Matapos gamitin ang iba’t ibang materyales, inayos nya ang liquid crystal para sa ikahihina ng ilaw nito noong 1971. Taong 1984 ng kanyang mapagtagumpayang gawin ang kauna-unahang LCD projector sa buong mundo.
Ang LCD projector ay kadalasang ginagamit sa mga bahay teatro para sa big-screen movie effect. Ang iba naman ay ginagamit sa mga opisina bilang work presentation, asemblea ng mga paaralan, at sa mga silid aralan na mayroong film screening. Napakalaki ng naging epekto nito sa mga mag-aaral sapagkat nakukuha ng LCD projector ang kanilang atensyon. Mas naging mabisa ang pagtuturo at pagpapaliwanag ng mabuti sa mga mag-aaral sapagkat nakikita nila ang paksa sa malikhain, makatotohanan, at nakakaaliw na pamamaraan gamit ang LCD projector.